CITY OF MALOLOS - Noong ika-7 ng Mayo, 2023 nagsagawa ang Provincial Audit Team, sa pangunguna ng DILG Bulacan kasama ang PNP, BJMP, AFP, PDEA, piling Civil Society Organization at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng isang pagtatasa ukol sa antas ng pagganap ng mga Peace and Order Council ng mga Bayan at Lungsod sa Lalawigan.
Sa kaniyang mensahe, nagpaalala si Panlalawigang Patnugot Myrvi Apostol-Fabia na kailangang mas mapalakas pa ang pagganap ng bawat Peace and Order Council sa lalawigan. Aniya, higit pa sa pagpasa sa nasabing balidasyon, ang antas ng pagganap rin ng mga Peace and Order Council ang magpipinta ng kapayapaan at kaayusan sa Lalawigan ng Bulacan.
Ang nasabing pagtatasa ay isang taunang gawain kung saan pinagbabasehan ng antas ng pagganap ang mga dokumentong nagpapatunay ng mga proyekto, programa at gawain ng mga nasabing konseho, base na rin sa nauna nang natukoy na mga tadhanain ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal. Gayundin, layon nito na masubaybayan ang mga proyekto at programa ng mga Lokal na Pamahalaan pagdating sa usaping pang-kaayusan at kapayapaan, kabilang na ang pagtataya ng epekto ng implementasyon ng mga ito.