Sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay nagsagawa ang DILG Bulacan ng isang pagsasanay para sa mga itinalagang Information Officers ng bawat Bayan at Lungsod sa lalawigan noong ika-8 ng Mayo 2023.
Ang nasabing pagsasanay ay isang programa sa ilalim ng Aselerasyon (Multi-media, knowledge and Information) Linang (Capacity Development) at Wani (Linkages), mga pasilidad ng ALAGWA Bulacan; ang opisyal na sub-LGRC ng Panlalawigang Tanggpan. Layon ng gawaing ito na palakasin ang kapasidad ng mga itinalagang Information officers ng bawat pamahalaang lokal sa lalawigan at mga Pampook na Tagapagpakilos ng Pamahalaang Lokal upang tugunan ang mga napapanahong hamon na dulot ng fake news at upang magbigay gabay sa tamang paggamit ng social media. Isa rin sa adhikain ng aktibidad ang bigyan ng diin ang mahalagang gampanin ng mga Information Officers bilang instrumento sa pagpaparating sa publiko at pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa mga programa, proyekto at gawain na isinasagawa at ipinapatupad ng Pamahalaan.
Kabilang sa mga paksang tinalakay ay ang (1) Pagsusulat ng Balita; (2) Pagkuha ng Larawan at Malikhaing Paggawa ng mga Lathalain; (3) Pagbabalita sa Panahon ng Sakuna; at (3) Teknikalidad ng pag-ere sa Radyo.
Patuloy rin ang paghiyakat ng DILG Bulacan sa mga Pamahalaang Lokal na bumuo ng opisyal na website at social media pages kung saan maaaring makita ng publiko ang mga serbisyo, gawain at proyekto ng Pamahalaan.
Sa huli, nagkaroon ng isang sabayang panunumpa sa tungkulin ang mga nahalal na opisyal ng samahan ng mga information officers sa lalawigan. Ito ay pinangunahan ni Punong Lalawigan Daniel R. Fernando, bilang bahagi ng pagnanais ng Panlalawigang Pamahalaan na mapalakas ang adbokasiya ng pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa Bulacan. Nagpahayag rin ng suporta ang Gobernador sa mga gawain at programa ng samahan sa pagpapalakas ng adbokasiya ng lalawigan.