Nagsagawa ang Panlalawigang Tanggapan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal sa Bulacan ng isang oryentasyon para sa mga kasapi ng Lupong Tagapamayapa Incentive Awards (LTIA) Provincial Awards Committee noong ika-4 ng Abril 2023. Ito ay pinangungunahan ng nasabing tanggapan at kinabibilangan ng Philippine National Police (PNP), Liga ng mga Barangay (LNB), Pamahalaang Panlalawigan, Regional Trial Court at Civil Society Organization.
Ang gawaing ito ay isinagawa upang talakayin ang mas pinalawig na mga pamantayan ng LTIA at upang bigyan ng wastong kasanayan ang mga kinatawan ng mga nabanggit na tanggapan sa isasagawang pagtatasa.
Sa mensahe ni Panlalawigang Patnugot Myrvi Apostol-Fabia, kaniyang ipinaliwanag na ang LTIA ay isang pagtatasa na hindi lamang naglalayon na itukoy sa mas mataas na antas ng paligsahan at bigyang parangal ang mga kikilalaning Lupong Tagapamayapa; bagkus ito rin ay upang mapalakas ang pagpapatupad ng Katarungan Pambarangay bilang isang pangunahing mekanismo upang mas mapabilis ang pag-resolba ng mga problema at sigalot ng magkaka-barangay.