Sa pakikipagtulungan sa Panlalawigang Pamahalaan ng Pampanga at inisyatibo ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), pinangunahan ng DILG Pampanga ang pagbibigay tulong teknikal sa mga miyembro ng POPS Technical Working Group upang simulan ang pagbuo ng POPS Plan 2023-2025 sa dalawang araw na pagsasanay na pinamagatang "Province-wide Training-Workshop on the Formulation of POPS Plan 2023-2025" na ginanap noong Agosto 30-31, 2022, sa Subic Grand Harbour Hotel, Subic Bay, Zambales.
Nilahukan ng humigit kumulang 200 miyembro ng POPS-TWG ng 22 siyudad at bayan ng Pampanga ang nasabing aktibidad. Samantala, inilahad naman ng PG Pampanga sa pangunguna ng opisina ng Pagpaplano at Pagpapaunlad ang Vision at Mission ng probinsya kasama na ang adyenda ni Governor Dennis Pineda sa kapayapaan at kaayusan nang sa gayon ay maihanay ng mga lokal na pamahalan ang kani-kanilang mga prayoridad at programa sa direksyon ng panlalawigang pamahalaan.
Sumailalim ang mga kalahok sa iba't-ibang workshop sa magkasunod na araw upang matutunan ang pagbuo ng bawat bahagi ng plano. Kabilang sa nagbigay tulong teknikal sina PD Myra Soriano, LGOO VII Lydia Baltazar, LGOO VII Yvette Cosio, LGOO V Lianne Abegail Munoz, LGOO V Candy Claire Veneracion at LGOO III Armee Sumang.
Ibinahagi naman ni Special Assistant to the Governor Angelina Blanco ang mensahe ni Governor Pineda sa pagpapanitili ng kaayusan sa lalawigan at ang patuloy nitong suporta sa mga lokal na pamahalaan tungo sa pagsasakatuparan ng isang masaganang Pampanga.
Dinaluhan din ni Regional Director Karl Caesar Rimando ang aktibidad at binigyang-diin ang kahalagahan ng whole-of-government approach sa pagsugpo sa insurhensiya sa bansa.