Nagpulong sa New SP Session Hall noong Agosto 11, 2022 ang mga kasapi ng Peace and Order and Public Safety (POPS) Technical Working Group ng Probinsya ng Pampanga upang simulan ang pagbalangkas ng POPS Plan na siyang magsisilbing gabay ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga prayoridad na programa at proyekto na nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng mga Cabalen sa lalawigan.
Sa pakikipagtulungan ng Provincial Planning and Development Office, nagbigay ang DILG Pampanga ng tulong teknikal sa pangunguna ni PD Myra Soriano, LGOO VI Paul Michael Blanco, Program Manager Lianne Abegail Munoz, at LGOO V Candy Veneracion. Naroon din si Special Assistant to the Governor Angie Blanco upang magbigay suporta. Tinalakay sa pagpupulong ang tamang proseso sa pagbuo ng POPS Plan, mga pagsasanay para sa bawat bahagi ng plano, at paggamit ng templates. Layunin din ng aktibidad na tipunin ang datos at nauukol na impormasyon mula sa iba't-ibang kasaping ahensya upang lalong maging mas makabuluhan ang lalamanin ng nasabing plano.
Nagpasalamat naman si PD Soriano sa bawat miyembro ng POPS TWG at hiningi ang kanilang pakikiisa upang maisagawa ng maayos ang POPS Plan. Pinasalamatan din nya ang pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Dennis Pineda sa kanyang suporta at malasakit sa mga ahensya kabilang na ang DILG. Ang aktibidad ay isa sa mga inisyatibo ng Peace and Order Council na layong mapalakas ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto para sa pagpapanatili ng kapayapaan sa lalawigan.