Isinagawa ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Nueva Ecija, sa pangunguna ni Vice Governor Emmanuel Antonio M. Umali, sa pakikipagtulungan ng Panlalawigang Pamahalaan ng Nueva Ecija, sa pamumuno ni Governor Aurelio M. Umali, at Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal na pinamumunuan ni Provincial Director Atty. Ofelio A. Tactac, Jr. ang panayam sa mga Civil Society Organizations (CSOs) sa lalawigan ng Nueva Ecija ngayong ika-8 ng Agosto, 2022, sa SP Session Hall, ikalawang palapag ng Bagong Kapitolyo, Lungsod ng Palayan, Nueva Ecija.
Layunin ng nasabing panayam na ilahad sa mga CSOs ang kahalagahan ng participatory governance, ang proseso ng akreditasyon at pagpili ng mga representante sa Local Special Bodies, code-mandated avenues kung saan maaaring makibahagi ang mga CSOs, at ang pagkakaron ng Local People's Council.
Ayon kay Vice Governor Umali, ang CSOs ay mahalagang bahagi ng lokal na pamahalaan, hindi lamang dahil sa ito ay mandato ng batas, kundi dahil pinahahalagahan ng lalawigan ang boses ng iba't ibang sektor lalo na sa agrikultura. "Dito po sa Nueva Ecija, sinisigurado natin na nagiging bahagi ang mga CSOs sa Local Special Bodies, lalo na sa Local Development Council. Sinisigurado nating kabahagi natin ang iba't ibang sektor sa lokal na pamamahala lalo na ang sektor ng agrikultura," ani Vice Governor Umali.
Sa pangkalahatang ideya naman na inilahad ni PD Tactac, inihayag niya ang mga alituntunin at aralin para sa naturang panayam na tatalakayin ng DILG. Gayundin, ipinahayag niya ang kanyang kagalakan sa pagdalo ng mga CSOs sa lalawigan. "Kami po sa DILG ay nagagalak sa pagdalo ninyong lahat, dahil isa itong hudyat ng inyong pagnanais na makibahagi sa lokal na pamamahala," aniya.
Samantala, pinangunahan naman ng mga kinatawan ng Panlalawigang Tanggapan ng DILG Nueva Ecija na sina LGOO VI Alfa Krista C. Reyes at LGOO V Anna Marie P. Batad ang diskusyon para sa naturang panayam. Nagpaunlak din ang nasabing mga kawani ng pagkakataon sa mga representante ng CSO na makapaglahad ng kanilang katanungan na siya naman din nilang binigyang tugon.
Bilang pagtatapos, sinabi ni PDO IV Rodelio B. Lugod ng Planning and Development Office, at SP Secretary Atty. Norberto D. Coronel, Jr. na bukas ang kanilang mga tanggapan sa mga CSOs na nangangailangan ng tulong sa paggayak ng kanilang mga dokumento para sa akreditasyon.