August 12, 2022–Sa patuloy na pagpapalawig sa programang Gender and Development, binuksan ngayong araw ang klinikang pangkalusugan sa tanggapan ng DILG Rehiyon III upang makapag-bigay ng paunang lunas sa mga manggagawa o kliyenteng makakaranas ng anumang karamdaman.
Sa mensahe ni Regional Director Karl Caesar Rimando, ibinahagi nito na napakahalaga ang magkaroon ng klinikang pangkalusugan lalo na sa panahong ito na tayo ay nakakaranas ng krisis pangkalusugan.
"Sa panahong ito na mayroong pandemya, isang kagyat na pangangailangan ang magkaroon ng klinikang pangkalusugan upang masigurong napapangalagaan ang kalusugan ng bawat isa sa atin, bawat kawani ng Tanggapang ito. Kaya't nagpapasalamat tayo sa ating mga kasamahan na nanguna sa pagsasa-ayos ng klinikang ito, na dati ay atin lamang pinapangarap, ngayon ay atin ng tinatamasa."
Ang nasabing klinika ay mayroon ding dakong-palaruan kung saan maaaring dalhin ng mga manggagawang magulang o kliyente ang kanilang mga anak at mapangalagaan ang mga ito.