Upang mas mapalawig ang kaalaman ng mga lokal na pamahalaan sa isa sa mga programa ng departamento, nagsagawa ang DILG Pampanga ng oryentasyon sa F.Y. 2022 Local Government Support Fund – Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGU) for Barangays sa lahat ng barangay sa probinsya ng Pampanga.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, mas maiintindihan na ng mga opisyal ng barangay kung ano ang mga proyektong maaaring i-request, ang mga dokumentong kailangang ilakip, at ang proseso ng pagsusumite ng mga ito sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni PD Myrvi Apostol-Fabia ang mga opisyal ng barangay na magsumite ng mga project proposals sa lalong madaling panahon dahil hanggang June 30, 2022 lamang ang palugit na ibinigay ng DBM. "Malaki ang tiwala ko na makakatulong nang husto ang pondong ibibigay ng pamahalaan sa mga barangay, at narito ang departamento upang ibigay ang anumang assistance na kakailanganin ninyo."
Ang FY 2022 LGSF-FALGU ay naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa lahat ng lokal na pamahalaan, magmula sa mga barangay, munisipyo, siyudad at pamahalaang pang-probinsya. Hanggang limang milyong piso (Php5,000,000.00) ang maaaring matanggap ng mga barangay para sa kanilang mga proyektong maaaprubahan.