Itinanghal bilang mga kampeon ang Brgy. Rizal, San Marcelino, Zambales (1st to 3rd Class Municipalities Category) at Brgy. Camiing, Cabangan, Zambales (4th to 6th Class Municipalities Category) mula sa katatapos na Lupong Tagapamayapa Incentives Awards (LTIA) Provincial Assessment.
Ang assessment ay ginanap sa pangunguna ni DILG Provincial Director Armi V. Bactad na siyang tumatayo bilang Chairperson ng Provincial Assessment Committee (PAC), at dinaluhan nina Gng. Seril D. Pangilinan mula sa Department of Justice (DOJ), PLTCOL Joel M. Usman ng Zambales Provincial Police Office (ZPPO), Kgg. Raedag A. Villamin, Jr, Liga ng mga Barangay (Lnb) Provincial Federation President, at Gng. Evelyn Ebuen, representante ng Civil Society Organization (CSO) ngayon, ika-24 ng Marso taong 2022 sa pamamagitan ng Zoom Meeting Application.
Sa pambungad na pananalita ni PD Bactad, kanyang inihayag ang kagustuhang matugunan ang pangangailangang teknikal ng mga barangay sa probinsya ng Zambales, katuwang ang mga miyembro ng PAC, upang mas mapaigting ang pagsulong ng katarungang pambarangay.
Ang mga dokumento ng mga kalahok na mga barangay mula sa labintatlong munisipalidad ng Zambales, na nagsilbing Municipal Winners, ay mabusising siniyasat ng PAC. Matapos ang deliberasyon ng mga miyembro, ay itinanghal ang Barangay Rizal at Camiing bilang nangunguna at may pinakamataas na marka sa pagtaguyod ng Katarungang Pambarangay (KP) sa kanilang mga lugar.
Ang LTIA ay naglalayong palakasin ang KP bilang isang systema na kung saan pinapalawig and pamamaraan na maresolba ang di pagkakaunawaan sa isang komunidad. Ito rin ay upang maging institusyunal ang pagbibigay ng economic benefits at iba pang insentibo sa mga Lupon na nagpakita ng kanilang kahusayan sa pagpapatupad ng Katarungang Pambarangay.