Ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) ng Lalawigan ng Zambales sa pamumuno ng Direktor Armi V. Bactad, sa pakikipag-ugnayan at pakikipag-tulungan sa Lokal na Pamahalaan ng Botolan, sa pamamagitan ng Task Force End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) nito — ay matagumpay na nagsagawa ng aktibidad nitong ika-30 ng Setyembre taong kasalukuyan na pinamagatang 'Capacitating Barangay Based Institutions cum Strengthening Community Security Mechanisms and Structures and Information Drive for Peace, Security and Development,' na naglalayong mapaigting ang kasanayan at kakayahan ng mga pamahalaang barangay sa paglaban at pagsugpo sa komunismo at terorismo at sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang mga sa komunidad.
Ang nasabing gawain ay dinaluhan ng mga opisyal ng Barangay Cabatuan, Maguisguis, Poonbato, Cabatuan at Villar ng Bayan ng Botolan at Barangay Guisguis ng Bayan ng Sta. Cruz— na pawang mga kabilang sa mga benepisyaryo ng Retooled Community Support Program (RCSP) at Support to Barangay Development Program (SBDP). Ang gawain ay bahagi ng mga hakbanging nakapaloob sa Executive Order No. 70 o mas kilala bilang Whole of Nation Approach.
Sa kanyang pambungad na mensahe, taos-pusong pinasalamatan ni Mayor Doris E. Maniquiz ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil sa napakagandang programang pinagkaloob ng pamahalaan sa kanilang bayan. Ayon kay Mayor Maniquiz, napakapalad ng limang barangay dahil sila ay napiling benepisyaryo ng mga programang ito at kanyang hiniling na sana'y ang pondong maipagkakaloob ng gobyerno ay magamit ng tama at ang mga proyektong maipapatayo at maiimplementa ay mapangalagaan at maging kapakipakinabang sa lahat upang ang mga problema ng insurhensiya ay kung hindi man tuluyang mawala ay mabawasan.
Kabilang sa mga panauhing nagbahagi ng kanilang kaalaman ay sina 1st Lieutenant Jeffrey Tungpalan at 1st Lieutenant Oliver Adlaon ng 3rd Mechanized Infantry Battalion, Philippine Army na nagbahagi kung paano mapapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa mga komunidad at kung ano ang mga kaparaanan upang labanan at sugpuin ang komunismo at terorismo. Ito ay sinundan ng pagtalakay sa kahalagahan ng Barangay Information/Intelligence Network (BIN) at mga gawain at katungkulan ng Barangay Peace Keeping Action Teams (BPATs), Barangay Peace and Order Council (BPOC) at Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) na tinalakay ni PLT Jaliel Balading, Deputy Police Officer ng Botolan Municipal Police Station.
Samantala, si SFO1 Lloyd Francisco ng Botolan Fire Station ay nagbahagi ng kanilang programang Oplan Ligtas Pamayanan na naglalayong mapagtibay ang kahandaan at kaalaman ng mga pamayanan pagdating sa sunog at mga kalamidad. Nagbahagi naman ng kanyang kwento si Ka Angel Reyes, isang former rebel (FR) ng CPP NPA at hinikayat ang lahat ng mga opisyal ng barangay na pagtibayin pa ang mga gawain upang labanan ang at tuluyan ng wakasan ang komunismo at terorismong limang dekada nang kasama ng ating bayan.
Sa kanyang pangwakas na mensahe ay pinasalamatan ni Direktor Bactad ang Pamahalaang Lokal ng Botolan, mga Punong Barangay, Philippine Army, PNP at BFP, maging si Ka Angel sa patuloy at walang sawang pakikipagtulungan upang maipatupad ng maayos ang mga programa at adhikain ng pamahalaan.
Kanyang ibinahagi ang mensahe ng Pangulong Duterte na ang lahat ng mga problemang kinakaharap ng ating bansa sa kasalukuyan ay masusolusyunan lamang sa pamamagitan ng maayos na pamamahala o 'Good Governance', tulad ng ninanais at adhikain ng kagawaran na magkaroon ng mga Matino, Mahusay at Maasahang mga pamahalaang lokal. Kanya ring hiniling sa mga opisyal ng barangay na kanilang tiyakin na ang mga proyektong naipagkaloob sa kanila ng pamahalaan ay magamit ng maayos at makapagsisilbi sa taong bayan— kung saan maramdaman ng tao ang mabuting layunin ng pamahalaan, na ang ating gobyerno ay nagmamahal, nagmamalasakit at handang pangalagaan ang mamamayan.
Ang RCSP at SBDP ay mga programang nakapaloob sa ilalim EO No. 70 na naglalayong mailapit sa taong bayan lalung-lalo na sa mga malalayong komunidad ang mga programa, proyekto at mga serbisyo ng pamahalaan na tutugon sa mga suliraning pangkabuhayan. Layunin din ng programang ito na masugpo ang mga problemang dulot ng insuhensiya, kumonismo at terrorismo sa ating bansa.
Ang nasabing gawain ay pinangasiwaan ni LGOO VI Shieralyn B. Esteban, MLGOO ng Botolan, LGOO VI Jonnel B. Edillor, ELCAC Focal Person ng DILG, LGOO VI Mae Catherine N. Quintana, MLGOO ng Sta. Cruz at ADAS II Denver S. Yumul ng DILG Zambales Provincial Office.