Ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) ng San Narciso— katuwang ang tanggapan ng Punong Bayan ng San Narciso — ay nag-sagawa ng isang gawaing naglalayong makapagbigay ng tulong teknikal sa Devolution Transition Committee (DTC) noong ika-29 ng Setyembre taong 2021 sa pamamagitan ng Zoom Cloud Meetings application.
Ang gawain ay alinsunod sa Supreme Court ruling ukol sa Mandanas-Garcia petitions, Executive Order No. 138 series of 2021, at ng Joint Memorandum Circular No. 1 s. ng Kagawaran ng Badyet at Pananalapi Pamamahala (DBM) at DILG na pawang nag-uudyok ng ganap na debolusyon ng mga tungkulin, serbisyo at pasilidad mula sa mga ahensya ng gobyerno tungo sa mga pamahalaang lokal.
Sa nasabing gawain, isa-isang ipinakita ng mga miyembro ng San Narciso DTC at sinuri ni Municipal Local Government Operations Officer Dan Esteban ang mga bahagi ng kanilang Devolution Transition Plan (DTP), mula sa imbentaryo ng mga tungkuling ganap na ipapasa sa lokal na pamahalaan, pagpapanahon sa tungkuling ganap na aakuin sa loob ng taon 2022-2024, mga inisyatibang magpapatibay sa kapasidad at mga mungkahing rebisyon sa istraktura ng organisasyon. Bukod dito, tinalakay rin ng DTC at ng DILG ang pagsusuri sa pagtataya ng local revenue na siyang magiging kasangkapan sa pagpaplano ng lokal na pamahalaan na mapangasiwaan ang mga pondo at mabigyang solusyon ang fiscal gap mula sa National Tax Allocation (NTA) na dulot ng pandemic .
Nakatakdang magpasa ang lahat ng bayan ng kani-kanilang DTP pagkatapos ng siyamnapung (90) araw matapos maibaba ang DILG-DBM JMC No 1 s. 2021. Patuloy ang pagtatasa ng San Narciso DTC sa kanilang plano upang patuloy na matamasa ng kanilang nasasakupan ang mga serbisyong nakatakdang i-atang sa balikat ng mga pamahalaang lokal.