Alinsunod sa implementasyon ng Mandanas Supreme Court Ruling sa taong 2022, ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalayang Lokal ng Rehiyion 3, Dibisyon ng Pagpapaunlad ng Kakayahan, ay nagsagawa ng Pangrehiyon na Oryentasyon ukol sa Preparasyon ng Devolution Transition Plans (DTPs) ng mga Lokal na Pamahalaan sa Rehiyon 3 noong Agosto 13-15, 2021.
Ang pangunahing layunin ng aktibidad na ito ay para bigyang kaalaman ang mga lokal na opisyal at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan sa rehiyon ukol sa mga patnubay at proseso na kalakip ng preparasyon ng LGU DTPs. Naglalayon din na makapagbigay ng relatibong workshop na makakatulong sa mga kalahok ng oryentasyon upang mahusay nilang masagutan at maisagawa ang kani-kanilang DTP Forms at Annexes.
Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang diin ni LGOO VII Ener P. Cambronero, Punong Tagpagpatupad ng Dibisyon ng Pagpapaunlad ng Kakayahan, ang importansya ng pagtutulungan ng mga Ahensya ng Pambansang Pamahalaan at mga Lokal na Pamahalaan para makamit ang mga layunin ng Full Devolution.
Ang nasabing oryentasyon ay dinaluhan ng mga tagapagpatupad sa Panlalawigan at Panlungsod na Tanggapan, pinuno ng Kumpol ng Pangkat ng bawat probinsya sa rehiyion, mga tagapamahala ng mga programa, mga kawani ng Tanggapang Panlungsod at Bayan,Opisyal at kawani ng mga Pamahalaan Lokal, at mga representante ng mga piling Ahensiya ng Pamahalaang Nasyunal.