Upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagtugon sa iba pang pangangailangan ng kabataan, ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal – Siyudad ng Olongapo ay nagsagawa ng oryentasyon patungkol sa pagtatatag at operasyon ng Special Drug Education Center (SDEC) para sa mga batang lansangan at Out of School Youth noong Agosto 4 sa FMA Hall, Olongapo City Hall Complex.
Sa kanyang pambungad na mensahe, pinapurihan ni Panglungsod na Patnugot Amada T. Dumagat ng DILG ang pamahalaang lungsod ng Olongapo dahil sa nauna nang pagtatatag ng institusyon para sa mga kabataan na nangangalaga rin sa mga batang lansangan at OSY.
Para magbigay gabay sa mga nagsidalo, tinalakay ni LGOO V Vincent E. Catacutan ang mga batayang legal at mahahalagang alituntunin sa pagtatatag ng SDEC. Nailahad din ang istraktura ng organisasyon at mga responsibilidad ng SDEC Team na maaatasang mamahala sa pagsasagawa ng mga programa at serbisyo para sa mga batang lansangan at OSY.
Nagpaalala din si LGOO V Catacutan tungkol sa pagsasaayos ng Work and Financial Plan kung saan nakapaloob ang mga aktibidad at substansyal na pondo para sa operasyon ng SDEC.
Ang Special Drug Education Center ay nagsisilbing institusyon na nangagalaga at naghahatid ng serbisyo para maiwas ang mga batang lansangan at OSY sa iligal na droga. Itinataguyod din nito ang partisipasyon ng kabataan, proteksyon laban sa pang-aabuso at pananamantala, at pagkilala sa iba-ibang mga katangian at pangangailangan ng kabataan.
Ang lahat ng pamahalaang panlalawigan ay inaatasang magtaguyod ng SDEC. Hinihikayat din na pagtatatag ng SDEC sa mga lungsod at bayan.