Ang paghahanap-buhay ay naging bahagi na ng buhay ng mga tao sa araw-araw. Masarap pakinggan na sa ating mga kapatid na katutubong Aeta, ang pagkakaroon ng isang konkretong kalsada sa kanilang lugar ay magbabadya ng kagaanan sa trabaho at maghahatid ng ginhawa at pag-unlad.
Sa pamamagitan ng programang Assistance to Municipalities (AM) noong 2018, masayang tinamasa ng mga residente ang mga mabubuting dulot ng nasabing programa na makikita sa pinadaling pag-aangkat ng mga produktong agrikultura, gawang lokal at pagtatamasa sa kagandahan ng mga produktong likas na tanawin sa Barangay Aglao, San Marcelino, Zambales.
Kamakailan lamang, nagsagawa ang DILG Zambales "Locally Funded Project" (LFP) Monitoring Team ng Final Inspection sa Local Access Road-Local Road Upgrading Project sa nasabing barangay, upang masiguro hindi lamang ang pagkatapos ng kalsada, kundi pati na rin ang kalidad ng nasabing proyekto.
Ang nasabing Access Road na nagkakahalaga ng Php 5,709,849 ay may habang limang daan at sampung (510) metro at ito ang nag-iisang daanan patungo sa nasabing Barangay.
Hindi matatawaran ang ganda ng mga tanawin patungo sa lugar na pinadaling marating pa dahil sa maayos na kalsada. Isang matarik, mapuno at napakahabang kalaharan ang makikita sa pagdaan sa nasabing proyekto. Ito ay nagbigay daan din upang marating ang pinaka-tanyag na pasyalan sa San Marcelino, ang Mapanuepe Lake.
"Napakaganda ng benepisyo ng aming kalsada. Mas mabilis na po ang biyahe hanggang bayan. Kung dati, baku-bako ang daanan, madami ang nasisirang mga gulong ng iba't ibang klase ng sasakyan, ngayon po ay napakadami ng dumadaan at namamasyal dito sa amin", salaysay ni Punong Barangay Eduardo G. Lopez, Sr. ng Barangay Aglao.
Tunay nga namang napakaraming benepisyo ang naibigay ng Local Access Road-Local Road Upgrading sa Barangay Aglao, hindi lamang sa transportasyon kundi maging sa paggaan ng buhay ng mga mamamayan roon.