Print 

Mga Sanggunian Panlungsod at Bayan, Inihanda na para sa 2025 Local Legislative Awards (LLA)

Bilang bahagi ng layunin na isulong ang mahusay at epektibong mekanismo ng pagpapalakas ng lokal na lehislatura ng mga pamahalaang lokal sa lalawigan, matagumpay na isinagawa ng DILG Bulacan, sa pangunguna ni PD Myrvi Apostol-Fabia, CESO V, ang Panlalawigang Oryentasyon ng Local Legislative Awards (LLA) sa mga Sangguniang Panlungsod at Bayan ng Bulacan, ngayong araw, Agosto 5, 2025.

Layunin ng aktibidad na ito na gabayan at ihanda ang mga lokal na sanggunian ukol sa mga proseso, talatakdaan, at mga panukat na susundin sa Local Legislative Award, kung saan susuriin hindi lamang ang mga dokumento kundi pati ang kanilang pagpapamalas ng kahusayan sa epektibong pagtupad ng kanilang mga tungkulin, kabilang na rin ang pagpasa ng mga lehislaturang tunay na nakatutugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Ang Local Legislative Awards (LLA) ay naisakatuparan alinsunod sa DILG Memorandum Blg. 2025-062 na naglalayong magbigay pagkilala sa mga mahusay at natatanging Sangguniang Panlungsod at Bayan at magsilbi ding inspirasyon sa iba pang lokal na sanggunian upang higit na paghusayin ang kanilang pagganap sa kanilang mga sinumpaang tungkulin.