Alinsunod sa mga memorandum ng NDRRMC at Komisyon ng Serbisyo Sibil, ang DILG Bataan ay nagsagawa ng Oryentasyon at Pagrebisa ng kanilang Public Service Continuity Plan (PSCP) noong Agosto 10, 2021 gamit ang Zoom.
Sa pangunguna ni LGOO VI Bernardino Santiago, Pinunong Tagapagpakilos ng Pamahalaang Lokal ng Morong at focal person ng DRR, ang pangkat ng DILG Bataan ay nabigyan ng kaalaman tungkol sa PSCP at nakapagbigay ng kanilang mga suhestyon, ideya at paraan para maipagpatuloy ang paglilingkod at mga serbisyong ibinibigay sa mga mamamayan sa gitna ng mga di-inaasahang kalamidad o aberya.
Ang pagbuo ng PSCP ay mahalaga upang masiguro na ang ahensya at ang mga empleyado nito ay tuluy-tuloy pa rin sa kanilang mga gampanin sa gitna man ng mga 'distractions' o abala gaya ng mga kalamidad (bagyo, lindol, atbp.) o mga kahirapang teknikal gaya ng kawalan ng internet o pagkapinsala ng mga kompyuter at iba pang hardware sa opisina at lokasyon ng manggagawa.
Ang nasabing oryentasyon at pagrebisa ay dinaluhan nina Panlalawigang Patnugot Myra Moral-Soriano, Pinuno ng Kumpol ng Pangkat Melissa Nipal, Tagapamahala ng mga Programa Allan Don Malonzo at lahat ng kawani ng Tanggapang Panlalawigan na binubuo ng MES, CDS at FAS.
Ang DILG Bataan ay inaasahan na magkakaroon ng isa pang pagpupulong para sa pagtapos at pagkumpleto ng PSCP na isususmite sa Tanggapang Panrehiyon ng DILG.