×

Warning

JUser: :_load: Unable to load user with ID: 348

Naging espesyal ang pagpapasinaya ng bagong gusali ng Philippine National Police (PNP) sa bayan ng Paombong, Bulacan noong ika-6 ng Hunyo 2012 sa pagdating ng Kalihim ng Kagawaran ng Interyor at Lokal na Pamahalaan na si Ginoong Jesse M. Robredo bilang panauhing pandanggal.



Ang pagpapasinaya sa nasabing bagong gusali ay naging makabuluhan alinsabay sa pagdiriwang ng ika-walong Linggo ng SIKAD sa bayan ng Paombong, Bulacan. Ang Linggo ng SIKAD ay idinaraos taon-taon tuwing ika-1 hanggang ika-7 ng Hunyo simula ng maupong  alkalde si Kgg. Donato D. Marcos taong 2005. Ngayong taon, ang selebrasyon ay may tema na: Sabayan ng Indak ang Kaunlaran ng Ating Dakilang Bayan.

Nasa P4.95 M ang kabuuang halaga na ginugol sa pagpapatayo ng bagong estasyon ng Pulis ng Paombong na nanggaling sa pondo ng PNP at lokal na pamahalaan ng Paombong.

Ayon kay Robredo,  “Tinutulungan ang mga tumutulong sa sarili.” Ang nakatayong gusali ay isang tanda ng sama-samang pagsisikap tungo sa pag-unlad. Binigyan diin din niya na ang mabuting pamamahala ay bukas o hayag at may pananagutan. Dagdag pa niya na hindi sapat ang pagiging matino lang o mahusay lang, ngunit parehong kailangan ang mga ito sa pamumuno.

Matapos ang kanyang talumpati, iginawad sa Kalihim ang sertipikasyon ng pasasalamat at resolusyon mula sa Sanggunian Bayan ng Paombong para sa kanyang natatanging kontribusyon.

    Kabilang sa mga dumalong panauhin pangdanggal ay sina     PSSupt Fernando H Mendez, Jr., Panlalawigan Direktor ng PPO3, PCSupt Edgardo T Ladao CEO VI, Direktor Panrehiyonal at PSSupt Atty. Agripino Javier, CEO VI  ng PRO3, at si PCSupt Raul Basilio D Boac na nanggaling sa Camp Crame na kumatawan kay PDG Nicanor A Bartolome , Hepe ng PNP.

Bumisita din sa mahalagang selebrasyon na ito sina Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado at kayang Bise, Daniel Fernando.

Ang seremonya sa pagpapasinaya ng gusali ay isinagawa ni Rev. Father Edmar Estrella, Kura Paroko ng Apostol Santiago at OIC-MLGOO Jumaquio bilang guro ng palatuntunan.

Naging matagumpay ang nasabing gawain na  dinaluhan at sinuportahan ng mga empleyado at mga opisyales ng barangay at munisipyo kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Naroon ang mga kinatawan ng DILG-Bulacan, PNP, BFP, DepEd, at iba pang mga grupo.