Agosto 19, 2025 | Sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, katuwang ang DILG Bulacan, ay matagumpay na naisagawa ngayong araw ang Civil Society Organization (CSO) Conference sa Bayan ng Paombong, Bulacan.
Dumalo sa naturang aktibidad sina DILG Bulacan PD Myrvi Apostol-Fabia, Kalihim ng Sangguniang Panlalawigan, Bb. Perpetua Santos, Kinatawan nina Gob. Daniel Fernando, Bise Gob. Alex Castro, at ang nasa 110 na CSOs. Sa aktibidad ay tinalakay ang mga bagong tagubilin na nakapaloob sa DILG Memorandum Sirkular Blg. 2025-060, kabilang na rin ang mga dokumentong isusumite ng mga organisasyon at talatakdaan na susundan sa proseso ng akreditasyon.
Layunin ng CSO Conference na magsilbing plataporma upang matalakay at maihanda ang mga organisadong samahan ng mga mamamayan para sa kanilang nalalapit na akreditasyon kaakibat ng kanilang hangarin na maging opisyal na miyembro o kasapi ng mga konseho sa ilalim ng Local Special Bodies (LSB). Sa ganitong paraan ay maisusulong ang participatory governance o aktibong pakikilahok ng mga CSOs sa mga gawaing panlipunan at magsilbing tinig ng iba’t-ibang sektor na kinabibilangan tungo sa ikauunlad ng lalawigan ng Bulacan.