Matagumpay na isinagawa ngayong araw, ika-13 ng Oktubre 2025, ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Bulacan ang isang kagyat na pagpupulong bilang tugon sa mga naganap na lindol sa iba’t-ibang bahagi bansa. Layunin ng pagpupulong na mapalakas ang kahandaan ng mga bayan at lungsod sakaling makaranas ng katulad na sakuna ang lalawigan.
Tinalakay sa pulong ang mga plano ng bawat lungsod at bayan kaugnay ng evacuation procedures, at ang isasagawang inspeksyon ng mga City at Municipal Engineers sa kani-kanilang nasasakupan upang matiyak ang katatagan ng mga istruktura at gusali sa kani-kanilang mga bayan at lungsod. Kasama rin sa mga napag-usapan ang pagsasagawa ng mga oryentasyon para sa publiko hinggil sa wastong paghahanda at pagtugon sa lindol.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng pagiging proactive ng mga lokal na pamahalaan sa paghahanda laban sa mga sakuna. Hinimok din niya ang lahat ng lungsod at bayan na magsagawa ng preemptive building inspection, lalo na sa mga pampublikong gusaling matagal nang nakatayo, upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.