Plaridel, Bulacan — Isang makabuluhang hakbang tungo sa katuparan ng pangako ng pagbabago ang isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng Plaridel sa pangunguna ni Mayor Jocell Aimee R. Vistan-Casaje sa pamamagitan ng pormal na pagbubukas ng Balay Silangan Reformation Center, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region III at DILG Bulacan. Layunin ng inisyatibong ito na magbigay ng pagkakataon para sa mga kababayan na dating gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na nagnanais magsimulang muli sa kanilang buhay, isang patunay na sa Plaridel, laging may lugar para sa pagbangon at pag-asa.
Ang Balay Silangan ay isang community-based reformation facility na naglalayong tulungan ang mga tao na dating gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na nais itaguyod ang bagong direksyon sa kanilang buhay. Sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa disiplina, kabuhayan, pagpapayo, at edukasyon, binibigyan sila ng kakayahan at tiwala sa sarili upang muling maging aktibong katuwang sa pag-unlad ng komunidad. Higit pa rito, ipinapakita ng proyekto ang sama-samang hangarin ng mga ahensya ng pamahalaan na isulong ang makatao, inklusibo, at sustenableng pagbabago sa lalawigan.
Dumalo sa seremonya sina Dir II Glenn Lagutan Asst. Regional Director, PDEA Region III, IA V Liwanag B. Sandaan ng PDEA Bulacan, at Melvin C. Panlilion bilang kinatawan ni PD Myrvi Apostol-Fabia ng DILG Bulacan. Tampok sa programa ang ribbon cutting, pagpapasinaya ng pananda, at seremonyal na pagpirma ng kasunduan ng pagtutulungan na sumisimbolo sa iisang layunin na pagtitiyak na mananatiling buhay ang pangako ng pagbabago para sa bawat mamamayan ng Plaridel