Lungsod ng Malolos, Bulacan — Bilang pagpapatuloy ng kampanya para sa mas ligtas at mas maayos na mga komunidad, nagsama-sama ngayong ika-8 ng Oktubre 2025 ang mga Punong Barangay at iba pang mga Opisyal ng mga Barangay mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng lalawigan para sa Bulacan SICAP-BADAC Rollout: Empowering Barangays in the Fight Against Illegal Drugs, na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center.
Ang aktibidad ay bahagi ng Strengthening Institutional Capacities of Barangay Anti-Drug Abuse Councils (SICAP-BADAC) program ng DILG, na patuloy na nagpapalakas sa kakayahan at kaalaman ng mga barangay upang epektibong maisakatuparan ang mga estratehiya laban sa iligal na droga. Sa mga naging diskusyon, binigyang-diin ang tamang proseso ng drug information collection, reporting, at koordinasyon sa mga katuwang na ahensya tulad ng PNP at PDEA, bilang mahalagang sandigan ng pagpapanatili ng kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan sa antas ng barangay.
Tinalakay sa aktibidad ang mahalagang papel ng mga barangay sa pagkolekta at pag-uulat ng impormasyon kaugnay ng mga aktibidad na may kinalaman sa droga, bilang bahagi ng mas sistematikong pagpapatupad ng Barangay Drug Clearing Program. Ipinunto rin ang pag-unawa sa agham ng adiksyon at kung paano ito nakaaapekto sa pag-iisip, emosyon, at pag-uugali ng tao, upang higit na maunawaan ang ugat ng problema at makapagpatupad ng mas epektibong mga interbensyon. Bahagi rin ng talakayan ang Community-Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) na nagbibigay-diin sa makataong pamamaraan ng rehabilitasyon at pagbabalik sa lipunan ng mga dating nalulong sa droga, sa tulong ng pamilya, simbahan, at mismong barangay.
Sa kanya namang mensahe, kinilala ni Bise Gobernador Alexis C. Castro ang mahalagang gampanin ng mga Punong Barangay at ng kanilang Barangay Anti-Drug Abuse Councils bilang katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa kampanya laban sa iligal na droga. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga barangay, mga law enforcement agencies, at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang mas maging epektibo at mabilis ang pagtugon sa mga isyung may kinalaman sa droga. Ayon pa sa kanya, napakahalaga para sa mga Punong Barangay na lubos na maunawaan at malaman ang mga nangyayari sa kanilang komunidad, sapagkat dito nakasalalay ang agarang pagkilos at tamang pagresolba sa mga suliraning sa kanilang mga nasasakupan.
Sa kabuuan, ang SICAP-BADAC Rollout ay nagsilbing daluyan ng pagkatuto at kolaborasyon upang higit pang mapagtibay ang kakayahan ng mga barangay sa pagpapatupad ng Barangay Drug Clearing Program at iba pang inisyatiba laban sa iligal na droga.