Sa pinag-isang layunin ng DILG Rehiyon III, Bulacan State University (BSU), Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP), Ahensiya ng Pilipinas sa Pagpapatupad ng Batas Laban sa Bawal na Gamot (PDEA), Panlalawigang Tanggapan ng Kalusugan (PHO), at DILG Bulacan na paigtingin ang laban kontra ilegal na droga, nang ika-22 ng Enero, 2024, ay matagumpay na ginanap ang Buhay Ingatan, Droga Ay Ayawan (BIDA) Symposium sa mga mag-aaral mula sa laboratory high school ng BSU.
Sa naturang aktibidad ay nagbahagi ng kaalaman ang mga ahensya ng Pamahalaan ukol sa BIDA program ng pamahalaan. Bukod sa pagpapalaganap ng nasabing adbokasiya sa mga pamahalaang lokal, ang BIDA Symposium ay isa sa mga hakbangin na isinasagawa ng Kagawaran sa mga paaralan at unibersidad upang magbigay ng mas malawak na kaalaman sa mga kabataan ukol sa pagsugpo ng ilegal na droga.
Ang Bulacan State University ay ang ika-7 unibersidad sa rehiyon na ginanapan ng BIDA Symposium ng DILG Rehiyon III at nakatakda rin itong isagawa sa iba pang mga unibersidad sa Gitnang Luzon.
Ang aktibidad na ito ay sa ilalim ng Wahi, isa sa mga pasilidad ng ALAGWA Bulacan, ang opisyal na Sub-LGRRC ng lalawigan.