Balay Silangan sa Bayan ng Pandi, Hatid ay Bagong Pag-asa
Isang makabuluhang hakbang tungo sa paghatid ng bagong pag-asa ang isinagawa kasabay ng opisyal na pagpapasinaya ng bagong tatag na Balay Silangan sa Bayan ng Pandi sa pangunguna ni Punong Bayan Rico Roque sa Barangay Bagong Barrio.
Ang naturang aktibidad ay dinaluhan din nina Dir. Jigger B. Montallana, Regional Director ng PDEA, G. Christian De Honor, Regional Team Leader, Regional Barangay Drug Clearing Team, mga miyembro ng Sanggunian, mga Pinuno ng Tanggapan, mga opisyal ng barangay at iba pang mga katuwang sa pagpapatibay ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Ang Balay Silangan ay isang reformation o rehabilitation program na naglalayong magbigay ng panibagong pagkakataon at pag-asa para sa mga dating nasangkot sa ipinagbabawal na gamot. Ito ay hindi lamang isang gusali, bagkus ay isang simbolo ng pagbabago at pagkakataong makapagsimulang muli at magkaroon ng magandang kinabukasan.