Abril 15, 2025 – Isang makakalikasang araw ang isinagawa ng DILG Bulacan, sa pangunguna ni Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia, katuwang ang mamamayan ng Barangay Balubad, Bulakan sa pamumuno ni Punong Barangay Mario S. Bernardino, para sa ikalawang quarter na Manila Bay Clean-Up Drive.
Nagtulong-tulong ang mga opisyal ng barangay, kawani ng DILG at mamamayan sa paglilinis ng mga kalsada at estero ng barangay. Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni PD Fabia ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng mga residente sa mga clean-up drive ng pamahalaan. Aniya, mahalaga ang pakikiisa ng bawat mamayan sa mga programa ng pamhalaan upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan ng kapaligiran, at upang maiwasan ang iba’t-ibang sakit.
Nagpahayag din ng suporta sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa Pamahalaang Bayan ng Bulakan kabilang sina Konsehal Rchie San Jose at Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) Joshua Emmanuel Roque.
Ang Manila Bay Clean-Up ay isang regular na gawain ng DILG kada quarter bilang pagsunod sa Supreme Court Mandamus Ruling, na nag-aatas sa mga ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng mga hakbang para sa rehabilitasyon at pangangalaga ng Manila Bay.