Lungsod ng Malolos | Bilang bahagi ng adhikain ng Kagawaran para sa isang mas inklusibo at makataong lipunan, lumagda ngayong araw, ika-19 ng Marso 2025, sa isang Memorandum of Understanding ang DILG Bulacan at AKAPIN Inc.
Kinatawan nina Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia ng DILG Bulacan at Program Officer Zenaida Panen, kasama sina Bb. Emily Cabigao at G. Winver Tiongson ng AKAPIN Inc. ang paglagda sa Memorandum of Understanding na may layuning gawing mas inklusibo ang paghahatid serbisyo at impormasyon ng DILG Bulacan sa mga Persons with Disability (PWD).
Sa kanyang mensahe pinasalamatan ni Direktor Fabia ang AKAPIN Inc. sa kanilang suporta sa layunin ng DILG Bulacan at nangakong tutulong bilang tulay sa pagitan ng mga Lokal na Pamahalaan (LGUs) at kanilang samahan upang mas mapalawak pa ang sakop ng kanilang mga programa at proyekto sa lalawigan ng Bulacan. Bilang tugon, kinilala ni Bb. Panen ang kahalagahan ng MOU signing sa pagitan ng kanilang organisasyon at ng DILG. Binigyang diin din niya ang kahalagahan ng inklusibong pagpapakalat ng tama at napapanahong mga balita at impormasyon sa sektor ng mga PWDs tungo sa mas epektibong pakikilahok sa mabuting pamamahala.