Tampok ang Brgy. Balayong bilang provincial showcase sa Barangay Assembly ngayong araw, ika-19 ng Oktubre, 2024, sa pangunguna ni Punong Barangay Ronald Bulaong para sa ikalawang semester ng taon. Sa nasabing aktibidad ay nagbigay ng ulat si PB Bulaong sa kaniyang State of the Barangay Address (SOBA) at ibinahagi rin ng Sangguniang Barangay ang mga naging accomplishments para sa kasalukuyang semestre ng taon.
Kabilang sa mga dumalo at nagpahayag ng suporta sa gawaing ito ay ang mga kawani ng DILG Bulacan, sa panguguna ng Panlalawigang Patnugot Myrvi Apostol-Fabia. Sa kanyang talumpati ay kaniyang binigyang diin ang kahalagahan ng pakikiisa ng bawat mamamayan ng ating bansa, aniya, “Ang aktibong partisipasyon ng bawat isa ay kinakailangan upang mas matugunan ng bawat barangay ang naisin ng kanilang nasasakupan at matiyak ang ikasisigla at ikakaunlad ng ating bansa.”
Alinsunod sa Proklamasyon Blg. 599, S. of 2018, idineklara ang bawat Sabado at Linggo ng buwan ng Marso at Oktubre ng bawat taon bilang pagsasagawa ng Barangay Assembly Day. Sa kaganapan na ito ay tinatalakay ng mga opisyal at mga residente ang mga programa, proyekto at ang kasalukuyang estado ng barangay upang agarang matugunan ang mga isyu at usaping kinakaharap nito.