TSLogo

 

 

facebook page

 

Personal na nagtungo nang ika-12 ng Oktubre, 2023 ang mga kawani ng Panlalawigang Tanggapan ng Kagawaran kasama sina LGOO VII Judith Romero, MLGOO Maria Christine De Leon, Punong Barangay Edwin Bernabe, Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP) sa pangunguna ni Capt. Karl Vincent Centinaje, at mga Pambayang Inhinyero sa Barangay Kabayunan, DRT upang personal na suriin ang mga lugar na pagtatayuan ng tatlong proyekto sa naturang barangay.


Kabilang sa mga ipapatayong proyektong ay ang farm-to-market road sa Sitio Asan na magbibigay daan para sa mas epektibong transportasyon ng mga agrikultural na produkto patungo sa mga pamilihan at merkado; school building na mayroong dalawang (2) silid aralan at renewable energy based electrification sa Sitio Pinag-anakan, Brgy. Kabayunan na magbibigay ng mas maayos na pasilidad sa mga guro at mag-aaral, at elektripikasyon na magbibigay liwanag tungo sa landas ng magandang kinabukasan para sa mga mamamayan ng DRT. Sa aktibidad na ito ay hindi maitago ng mga benepisyaryo ang kanilang ngiti at galak na nararamdaman para sa mga proyektong ito na hatid ng pamahalaan.
Ang site validation na isinasagawa ng Kagawaran kasama ang ibang ahensya at pamahalaang lokal ay isang mahalagang bahagi ng pagpaplano ng mga proyektong pang imprastraktura upang maging maayos ang implementasyon nito. Sa pamamagitan ng gawaing ito ay natitiyak rin ang pagsunod sa mga pamantayan at regulasyon upang masiguro ang kalidad ng mga proyekto kalakip ng kaligtasan ng mga mamamayan.
Ang Local Government Support Fund - Support to Barangay Development Program (LGSF-SBDP) ay programa ng pamahalaan na naglalayong magbigay ng tulong at pangunahing serbisyo sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga inisyatibo at proyektong inihahatid sa mga lugar na mayroong banta ng insurhensya at impluwensya ng makakaliwang grupo.

 


Featured Video